DAN MANJARES, PROFESSIONAL SPOKEN WORD ARTIST

Hindi talaga ako mahilig sa spoken word poetry at maging sa mga tula simula pa nung magkaroon ako ng interes sa pagsusulat. Straightforward kasi akong tao, at ayokong magbasa ng iba’t ibang mabulaklak na salita na may iisa lang namang meaning. Sabihin niyo na lahat sa akin, wala talaga akong personal na galit sa art form na iyan, ‘di ko lang talaga siya taste.

Pero may isang pagkakataon sa buhay ko na sinubukan kong maki-ride on sa spoken word craze noong 2017 at 2018. Kahit na medyo nababaduyan ako sa mga over-the-top na emosyon ng mga spoken word artist habang pini-perform ang kanilang mga piyesa. Wasak na wasak ang boses madalas, malakas, may tonong makata at higit sa lahat—may matching big moves and facial expressions o ‘yung optional na pretentious interpretative dance moves na makikita mo sa mga medyo pang-rich kid na art themed cafés and bars. Nakita ko kung paano sumikat si Severo na na-feature pa sa isang pelikula na hindi ko na matandaan ang titulo, si Panagu na bigla na lang sumabog sa spoken word circles dahil sa self-mockery and realization na may kasamang optimism sa tula niya about sa pambubuska sa kaniya noong lumabas siya sa Wowowin.

Kako sa sarili ko, “the people love them, eto ang in ngayon” kaya umiral iyong opportunist mindset ko noong oras na iyon. I want to be the next hottest artist sa mundo ng spoken word. Pero saan ako magsisimula? Ayon, papaskil-paskil muna ng mga cringe attempts ko sa poetry sa aking account sa Facebook, na laking ikinagulat ko rin dahil may mga ilang willing na lumapa sa akda kong half-assed and highfalutin as fuck. I want to be funny and pondering at the same time, I want to capture the charm those two previous spoken word artists I mentioned had. Pero paano? Bukod sa literal na tatlong araw pa lang noon ang experience ko sa genre na iyon, dadalawa lang rin ang emosyon ko: poker face at antok. Akala ko nga borderline sociopath na ako e. Hindi pala, sadyang hindi lang talaga ako energetic na tao.

Days passed sa cyberworld at medyo gusto ko nang sumuko noon sa pagsusulat ng spoken word poetry. Sabi ko, hindi ‘to ang larangan na para sa akin. Extroverts thrive in this shit, not us! Pero noong naisip ko iyong kaibigan kong si Red na laman ng mga spoken word events dito sa probinsya namin at introvert siya, napag-alamang kong sadyang tamad lang talaga ako. Pero paano na ang jack of all trades philosophy ko? Gusto ko subukan lahat, at ang korni naman kung wala akong gaanong mapapala dito sa effort kong ‘to. Ayokong napupunta sa wala iyong mga proyektong pinaglaanan ko ng oras at pagod kasi. Mabilis ako magsawa, pero kapag naging interesado ako sa isang bagay, I’ll do my best to be on par sa mga ginawa kong modelo sa isipan ko.

Isang araw sa social media, iyong isa kong kaibigan doon, Hikari* ang pangalan niya (*not real name), nagpaskil siya na kailangan raw noong pinagtatrabahuhan niyang café sa Balagtas, Bulacan ng isa pang spoken word artist. Maraming nag-comment pero ni isa walang pumalag sa offer. Anong ginawa ko siyempre? E ‘di pinalagan ko muna, jokingly. Sabi ko, ako puwede, kikitain ko siya sa lugar that afternoon. Natandaan ko noon, nakatira ko sa ate ko and we are broke as fuck noong mga oras na iyon. Sinabi ko kay Ate na may offer na nga akong pumayag na puntahan, pero pabiro lang. Pero sabi niya, puntahan ko raw, kasi we are broke as fuck. Tangina, napasubo ako. Parang gusto ko na ayaw ko. Gusto ko, kasi kung makuha ko ‘yung trabaho, maaaring makabuo ako ng fanbase at makakamit ko iyong goal ko. Ayoko rin kasi sabi ko nga, mostly extrovert’s homecourt ang larangang iyan, at ayoko rin nahaharap sa maraming tao.

Pumayag ako na kitahin siya noong kinahapunan. Isinama ko iyong pinsan kong napadaan doon sa amin para hindi ako gaanong kabahan. Ang pangit nung garbo ko: oversized na cargo pants, matched with dad-type polo shirt na kupas, iyong pinsan ko naka-pambahay lang. Parehas kaming nakatsinelas. Mukha kaming pupunta lang ng palengke para mamili ng galunggong pamprito. Ayon, kinita namin siya nung hapon. Nagulat ako kay Hikari, malayong-malayo sa in-expect ko. Akala ko kamukha niya ‘yung karakter na anime sa DP niya. Mali ako, si Roderick Paulate pala ang kamukha niya. Nag-usap kami ng kaunti, small talks about sa syota niyang taga-Mindanao na wala namang akong pakialam kasi gusto ko lang talaga mag-perform ng tryout na para matapos na at malaman kung tanggap ba ako o hindi at makauwi na kami. Kailangan pa namin mag-antay ng isang buong oras bago magbukas ‘yung café.

Ayon, lumilipad lang isip ko sa mga pinagsasabi ni Hikari. Minsan nakatingin ako sa mga naglalaro ng arcade, madalas sa ngipin niyang tadtad ng tartar. Iba iyong laway niya, iba ang viscosity, mas malapot sa normal. Napanhik-panaog kami sa mall, lumabas sa emergency exit para tumambay para pakinggan siyang magsalita tungkol sa paborito niyang anime na wala rin akong pakialam kasi hindi ako anime fan tsaka sa syota niya ulit. Akala ko nga bading siya e, kasi iyong kilos niya at boses para talaga siyang miyembro ng pederasyon. Pero may syota e. Hindi naman ako rude sa kaniya, I responded well naman kahit hindi ako maka-relate. Nakitawa kahit plastik lang kasi wala talaga akong clue sa pinagsasabi niya o emotional attachment sa relasyon niya nung syota niya. Pero I have to give back the favor to him because he kept his word to meet me and offered me a shot at a job kasi homegrown artist na siya doon sa bar, at basically recommended ako niya sa mismong may-ari.

Maya-maya, nagbukas na iyong shop. Pumasok kami, kaunting greetings. Tapos nag-perform muna si Hikari, classic themes about being heartbroken. After all, the café’s name is Hugot, so nararapat lang talaga na ganoon ang topic na i-perform niya. Tapos, ako na iyong sumalang. Tangina, napaka-isolated ng posisyon ko: ako mag-isa sa gitna ng stage, tapos nakatingin lahat sa akin: si Hikari, iyong pinsan ko, iyong may-ari tapos iyong isa niya pang kasama. Bigla akong may naalala noon: wala akong piyesa. Putangina. Paano na? Hinugot ko iyong cellphone ko sa bulsa sabay tumingin sa menu sabay nagsalita. Literal na freestyle ang ginawa ko, siyempre sa dulo lang iyong may rhyme. Vague ang naalala ko sa temang nabuo mula roon pero ang dating nung spoken word freestyle na pini-perform ko e tungkol sa pag-iisa na napunta sa mga mapang-abusong kapitalista sa bansa, overexploitation sa mga yaman natin at may kaunti ring pangongonsensiya sa mga kabataan na huwag puro pag-ibig sa isa’t-isa kundi pag-ibig rin sa bayan.

Ewan ko kung pumalakpak ba sila noon o ano pero nagustuhan naman raw nung may-ari yung performance ko, may pa-libreng gourmet meryienda pa kami e, ang sarap putangina. ‘Makatang-makata’ raw ako. Sarap pakinggan. Basta raw ayusin ko lang pananamit ko raw sa susunod na show kasi hired na ako at puwede na ako mag-perform kinabukasan. Libre meal din, yeba.

Umuwi kami nung pinsan kong medyo pagod. Ewan ko kung masaya siya, kasi hinatak ko siya doon tapos gabi na kami nakauwi. At least may Cordon Bleu siyang nalamon. At may trabaho na ako. Natuwa naman si Ate. Pag-uwi, hinalukay ko iyong damitan ko para hanapin kung ano mang mga matitino kong damit na puwedeng masuot. Nasa point ako ng buhay ko noon na wala akong pakialam sa hitsura ko noon at susuotin ko kung anong mayroon, literal.

Kinabukasan nung hapon rin, umalis na ako ng bahay para pumunta doon sa café. Mas maaga ako kay Hikari kaya nagliwaliw muna ako. Wala akong pera noon bukod sa pamasahe ko pabalik na saktong-sakto lang na kapag nalaglagan ng piso e malilintikan ako. Napansin ko iyong banner ng café sa labas. May acoustic performance raw, tapos may performance mula sa kanilang homegrown spoken word performer, “J.D.” Taena, bakit wala ako doon? Bago lang kasi ako kaya kailangan kong patunayan ang sarili ko di ba, baka may space na rin ako sa tarpaulin nila kahit maliit lang sa future. Babaliktarin lang iyong J.D., tapos pangalan ko na iyon.

Maliit lang iyong café, kasya mga trenta katao plus yung space para sa performers. Pero marami pa rin iyon sa akin kasi ang isa ay kaunti, ang dalawa ay masyado nang marami. Si Hikari ang naunang nag-perform. Putangina, ang swabe ni gago. Galing magsulat tungkol sa kalandian at relationshits. Palakpakan ang mga putangina pagkatapos.

“It’s my turn!” sabi ko sa sarili ko. Pumunta ako sa stage at namili sa mga spoken word pieces na sinulat ko nung kinagabihan bago ang una kong araw sa Hugot Café. Iyong piyesa ko, parang re-tread lang nung lyrics ng “Somebody To Love” ng Queen kasi sabaw na ako noong oras na iyon pero Tagalog, mas cathartic at madrama. Lumipas ang limang minuto at natapos na ako. Walang pumalakpak. Kuliglig tsaka mga ngasab ng mga taong kumakain ‘yung tanging narinig ko. Puta, epic fail. Alam ni Hikari na awkward iyong nangyari. Sinubukan niya pa akong i-comfort nung sinabihan niya akong ang galing ko raw. Ulol, alam mo at alam kong dogshit ang performance ko na iyon. Pero hindi ko gaanong dinamdam kasi pagkatapos ng ilan pang piyesa na alternate naming na-perform, may libreng pa-meryienda na sa café, kahit ano puwede. Nahiya ako nung una kaya pasta lang tsaka juice in-order ko. Pero nung mga sumunod na araw, may audacity na akong mag-order ng steaks at tsaa na may walang hanggang refill. Matapos ng ilang set pa, umuwi na kami at ang sahod ko: tumatagingting na 300 pesos. Mas mataas kay Hikari kasi nga regular na siya doon pero hindi na rin masama sa pagsasayang ng laway at pambobola sa audience na sawi. Pinakuhanan ko rin ang sarili ko kay Hikari at iyon lang ang litrato ko sa pangyayaring iyon sa buhay ko.

Umuwi ako sa bahay kaso galit si Ate kasi walang ulam at kanin kaya dali-dali akong bumili. Ilang buwan pa lang rin kasi iyong anak niya at halatang nasa developmental stage pa lang siya ng pagiging ina.

Medyo gumaling rin ako sa pag-perform kahit papaano, pero wala pa ring pumalakpak gaano. Mas may pumalakpak pa at humiyaw doon sa kulot na tumutugtog ng acoustic na puro covers ang binabanatan. Kay Hikari naman, nagulat ako kasi may mga instance na on the spot siya gumawa ng mga tula tapos kapag binigkas niya sa mga manonood ang linis-linis, at iyong delivery? Mwah, mucho fantastico. Ako naman, sarili ko lang nagpapatatag sa akin. Pumalakpak ako sa isipan ko kasi kaya ko nang mag-perform sa harap ng mga tao. Ganoon rin ang sahod, okay naman. Kaso may problema: walang jeep paglagpas ng 7pm nung mga oras na iyon dahil ginagawa ang tulay banda sa ruta ng jeepney kasi nakitulog ako sa Tita ko malapit doon. Umaga na ako umuwi, galit na galit si Ate kasi wala pa silang kinakain. Bumili ako ng pagkain sabay natulog ulit. Paggising ko, kumuha lang ako ng pamasahe tapos binigay yung perang natira sa Ate ko, sabay umalis.

Sa pangatlong araw, hindi ako umuwi noon, sinadya kong makipagkita sa kaibigan kong si Ahlskie, at dumayo ako sa bahay niya para makipagusap sa kaniya about sa posibleng collaboration sa isang libro. Hindi pa rin iyon natuloy hanggang ngayon pero posible na dahil may contact na ulit ako sa kaniya.

Tapos nung panlimang araw, nag-drop ng isang bangers piece si Hikari. Spoken word epic about sa well, pag-ibig…pero ang konsepto ay binubuo ng mga diyamante galing Encantadia, bawat bato may katumbas na halaga sa relasyon. At talagang blown away iyong mga tao, nagpalakpakan…ulit sila. Ako naman, talagang nadala ako ng inggit kasi wala talagang pumalakpak sa akin gaano. Kaya habang nag-perform ako noon, medyo na-choke ako at wala namang nakinig kaya hindi ko tinapos. Sabay nag-stand up comedy na lang ako at nagkuwento ako about sa mga kagaguhan ko nung high school. At doon natawa sila at pumalakpak. Ang saya ko noon. Siguro talaga hindi para sa akin ang spoken word, pero salamat kay Hikari sa experience na makasilip sa buhay ng isang spoken word artist.

Medyo maliit iyong sahod nung araw na iyon kasi mahina ang benta. 150 lang ang sahod ko. Kaya nilakad ko na lang pauwi, sabi ko kay Ate ibibili ko siya ng kape pag-uwi. Kaso nung nakarating na ako sa bahay makalipas ng 2 oras, nagulat ako at wala akong madukot, naiwala ko iyong pera ko. Nalungkot ako siyempre, medyo maiiyak nga ako noon e. Kasi naglaan ako ng oras at pagod sa wala. Niyakap ako ni Ate, sinabi niya sa akin na okay lang raw iyon at mukhang hindi naman sulit ang pagtatrabaho doon kasi malayo at mahal ang pamasahe ko. Sinabi niyang nagkapera siya noong gabing iyon.

Hindi ko matandaan kung sinabi ko kay Hikari na ayoko na o nag-AWOL lang ako. Nakamit ko na iyong goal ko na mapalakpakan kahit isang beses lang, at tanggap ko naman na hindi ako para sa spoken word poetry dahil prosa ang gusto kong gawin talaga, at sana magbunga ang karera ni Hikari.

END